CAUAYAN CITY – Nakaligtas sa muntikang pagkalunod ang ilang katao habang ginugunita ang Semana Santa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Ensign Jessa Pauline Villegas, Public Information Officer ng Philippine Coast Guard District Northeastern Luzon sinabi niya na batay sa kanilang drowning incident monitoring nasa apat na tao ang nakaligtas matapos na muntikang malunod.
Unang naitala ang muntikang pagkalunod ng isang bata sa Luna, Isabela na tinulungang isalba ng isang rumespondeng pulis.
Habang nasa tabing-ilog ang pamilya ng biktima ay hindi nila namalayan na lumusong sa tubig ang bata na kinilalang si Jacob, 4-anyos na residente ng Flores, Naguilian, Isabela.
Agad namang nagresponde si PMSgt. Gian Carlo Almacen Atienza na nakatalaga sa Luna Police Station at Team Leader ng nakadeploy sa nasabing lugar upang magbigay ng seguridad at police assistance kasama ang mga Brgy. Officials at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Luna, Isabela.
Tatlong turista naman ang nailigtas sa pagkalunod matapos na mapunta sa malalim na bahagi ng beach sa Baler, Aurora kahit na sila ay hindi marunong lumangoy.
Aniya, unang nirespondehan ng maritime personnel ang dalawang magkapamilya mula sa Dingalan, Aurora na napunta sa malalim na bahagi ng dagat at nang mailigtas ay isa namang matandang babae ang humingi ng tulong dahil nalulunod na rin sa kalapit lamang na bahagi ng beach.
Maliban sa mga insidente ng pagkalunod ay nakapagtala rin sila ng mga medical evacuation sa ilang beach resort sa Sta. Praxedes at Aparri, Cagayan pangunahin na ang mga nahimatay dahil sa sobrang init at mga nahihirapan sa paghinga.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na maging maingat sa pagtungo sa mga ilog, beach at sa mga resort upang makaiwas sa mga kahalintulad na insidente.
Tinig ni Coast Guard Ensign Jessa Pauline Villegas.