--Ads--

Naka-deploy ang humigit-kumulang 17,000 tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa iba’t ibang pantalan at beach resort sa buong bansa ngayong Semana Santa.

Layunin ng hakbang na ito na matiyak ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa kasagsagan ng Mahal na Araw.

Pinapayuhan naman ng PCG ang publiko na manatiling alerto at iwasang maligo sa dagat kung nakainom ng alak upang maiwasan ang pagkalunod habang nagbabakasyon.

Ayon kay Coast Guard Spokesperson, Commodore Noemie Cayabyab, pagkalunod ang may pinakamataas na bilang ng aksidenteng naitatala ng PCG tuwing Kwaresma.

--Ads--

Hinimok din ng PCG ang mga pasahero na huwag tangkilikin ang mga kolorum na bangka, kabilang ang mga bangkang pangisda na ginagamit sa island hopping.

Paliwanag ni Cayabyab, kadalasang walang sapat na life-saving equipment ang mga ito sakaling magkaroon ng hindi inaasahang insidente habang nasa laot.