Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang kauna-unahang na-monitor at natugunang kaso ng pagkalunod sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2026.
Ito ay matapos ang insidente ng isang lalaki na umano’y nasa impluwensya ng alak at muntik nang malunod sa baybayin ng Bacarra, Ilocos Norte nitong Martes ng hapon.
Ayon sa PCG, alas-2:50 ng hapon nang mapansin ng kanilang Bay Watch team mula sa Coast Guard Sub-Station (CGSS) Bacarra ang lalaki na kumakaway at nahihirapan sa dagat habang naliligo. Agad na nagsagawa ng rescue operation ang team, at matagumpay nilang nasagip ang lalaki.
Binigyang-diin ng PCG ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng “no swimming policy”, lalo na sa mga taong nasa impluwensya ng alak, at pinaalalahanan ang mga cottage owners at iba pang resort at beach establishments sa lugar.











