--Ads--

Naglabas ng paliwanag ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Region 2 kaugnay ng hindi pag-apruba ng indemnity claim ng isang magsasaka sa Isabela, at nilinaw na ang sanhi ng pagkasira ng pananim na iniulat ay hindi saklaw ng kasalukuyang crop insurance coverage ng ahensya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Louterio Sanchez, Chief ng Claims and Adjustment Division ng PCIC Region 2, sinabi niya na ang inireport na sanhi ng pagkasira ng pananim ni Ginoong Juanito Mauricio ay malakas na hangin lamang na kabilang sa mga risk na saklaw ng indemnity claims ng PCIC.

Nilinaw ni Sanchez na kung malakas na hangin lamang ang naging dahilan ng pagkasira ng pananim at walang naitalang ipo-ipo o bagyong may hoisted storm signal ng PAGASA sa lugar, hindi ito maituturing na saklaw ng crop insurance at hindi mapapabilang sa pagbabayad ng indemnity claims.

Ipinaliwanag din ng PCIC na kapag may opisyal na hoisted storm signal mula sa PAGASA, ang mga pananim na masisira dahil dito ay awtomatikong saklaw ng indemnity claims, basta’t dumaan sa tamang proseso ng validation at dokumentasyon.

Nilinaw pa ng PCIC Region 2 na wala silang natanggap na pormal na apela mula sa nasabing magsasaka, na kinakailangan upang muling ma-review at mapag-aralan ang kanyang kaso para sa posibleng pag-apruba ng claims.

--Ads--

Kung sakali namang may sumunod na bagyo na muling nakasira sa pananim ay pwede naman umano itong isali sa pagpapaseguro.

Batay sa kanilang validation ng mga rekord ni Ginoong Mauricio, pitong beses na siyang nag-apply ng indemnity claim mula noong 2018, kung saan limang aplikasyon ang naaprubahan at nabayaran.

Ayon sa PCIC, hindi naaprubahan ang kanyang pinakahuling aplikasyon dahil ang dahilan ng pagkasira ng pananim ay hindi saklaw ng kasalukuyang insurance coverage ng ahensya, dahilan upang hindi ito mapagbigyan ng indemnity claim.

Sa kabila nito, sinabi ng PCIC na kasalukuyan pa nilang inaaral ang posibilidad na isama sa coverage ang ganitong uri ng risk sa mga susunod na crop insurance program, lalo na’t marami umanong magsasaka ang nakakaranas ng kaparehong sitwasyon.

Tiniyak naman ng PCIC Region 2 na bukas ang kanilang tanggapan sa lahat ng concerns ng mga magsasaka. Maaari rin umanong makipag-ugnayan ang publiko sa kanilang hotline at opisyal na social media pages para sa agarang tugon at paglilinaw.