CAUAYAN CITY – Nasa 39.7 % na lamang ang mga barangay sa region 2 na drug affected.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Louella Thomas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2, sinabi niya na bumababa na ang mga Drug Affected Barangays o tinatawag nilang DABs.
Aniya, sa kabuuang 2,311 na barangay sa ikalawang rehiyon ay 1,584 o 68.5 percent nito ang drug affected noong 2018.
Ngayong 2019 ay nasa 39.7 percent o 918 na baranggay ang kanilang puntiryang maisailalim sa drug cleared barangay.
Ayon kay Bb. Tomas, ngayong Setyembre ay maidedeklara nang drug cleared municipality ang Santa Maria, Isabela, Diadi, Nueva Vizcaya at Allacapan, Cagayan.
Ito aniya ay bunga ng pagtutulungan ng lahat ng ahensya ng pamahalaan.
Puntirya nilang maideklarang drug cleared ang rehiyon sa susunod na taon.