Nagsasagawa na ng mga inspeksyon ang PDEA Region 2 sa mga Sorting Hub Centers para sa mga iligal na droga na posibleng ipadala sa pamamagitan ng parcel.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Information Officer Salvacion Dela Cruz ng PDEA Region 2, sinabi niya na nagkaroon sila memorandum of agreement sa Cybercrime Investigation Coordinating Center o CICC.
Layon nitong magkaroon sila ng ugnayan sa pagsawata sa pagbebenta ng illegal drugs sa online.
Aniya mayroon silang isinasagawang Random Canine Panelling o inspection sa mga sorting hubs ng online shopping sa rehiyon.
Sa ngayon wala pa naman silang naitalang record sa mga nahuling gumamit ng online para sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Matatandaang isang lalaki na nahuli sa Cauayan City na nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ang umaming galing sa online ang drogang nakumpiska sa kanya.
Aniya mahirap ding matunton ang mga nagbebenta online dahil gumagamit sila ng dummy account sa kanilang pakikipagtransaksyon.
Hindi rin umano nila mapipilit ang mga nahuhuling suspek na ibulgar kung sino ang kanilang source bagamat ang ilang ay kusa nang umaamin kapag nahuli ng pulisya.
Upang matiyak na hindi magamit ang mga online shopping platforms sa pagbebenta ng iligal na droga ay mas paiigtingin pa nila ang canine panelling sa mga sorting hubs.
Ipagpapatuloy pa rin aniya ng PDEA Region 2 ang mga isinasagawang Drug buybust operations at paghuli sa mga iligal na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa rehiyon.