Tinutukan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Cagayan ang pagtaas ng tubig sa Cagayan River, na umabot sa critical level na 9.2 meters above sea level.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Rueli Rapsing, sinabi niyang patuloy ang pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog, at dahil dito ay hindi na madaanan ang ilang tulay sa lalawigan, kabilang ang Pinacanauan Overflow Bridge.
Naapektuhan na rin ang ilang barangay, partikular sa mga bayan ng Enrile at Solana, kung saan nailikas na ang 20 pamilya o humigit-kumulang 50 katao mula sa mga binabahang lugar.
Ayon kay Rapsing, kung aabot pa sa 10 metro ang taas ng tubig sa ilog, inaasahang lalawak pa ang mga binabahang lugar hanggang sa mga sentrong barangay gaya ng Centro 10, 11, at 12, kaya’t naghahanda na rin sila para sa posibilidad ng pre-emptive evacuation sa mga nasabing lugar.
Sa ngayon, bahagyang bumagal ang rate ng pagtaas ng tubig sa Cagayan River, bunsod ng pagsasara ng isang spillway gate ng Magat Dam. Mula sa anim na bukas na gates na may kabuuang 12-meter opening, lima na lamang ang nakabukas sa kasalukuyan, na nagpapakawala ng 1,400 cubic meters per second ng tubig.











