
CAUAYAN CITY – Nakared alert status na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO Batanes at patuloy rin ang kanilang pagpapakalat ng mga impormasyon sa publiko tungkol sa bagyong Jenny.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Roldan Esdicul ng Batanes sinabi niya na nakatakda silang magsagawa ng pagpupulong upang malaman ang mga kinakailangan at bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo sa lalawigan.
Umaasa naman sila na hindi sila gaanong tatamaan ng bagyo at sa ngayon ay may pasok pa ang mga opisina ngunit kinansela na ang pasok sa mga paaralan.
Aniya bagamat hindi kalakasan ang bagyo ay mas mabuti nang siguradong ligtas ang mga imprastraktura at mamamayan sa pananalasa ng bagyo at ito ay lagi na nilang ginagawa tuwing may bagyo.
Ang inaalala nila ngayon ay ang mga pananim na gulay ng mga magsasaka na sa kasalukuyan ay nasa fruiting stage na.
Ayon kay Ginoong Esdicul lumalakas na ang mga alon sa mga dalampasigan sa Batanes lalo na sa silangang bahagi nito kaya bawal na ang pumalaot sa mga mangingisda at mga byahero.
Handa na rin aniya ang mga evacuation centers at may nakaantabay na ring relief goods na ipapamahagi sa mga Ililikas na residente.










