--Ads--
TOP

CAUAYAN CITY – Tiniyak ni Provincial Disaster Risk reduction and Management Officer (PDRRMO) Ruelie Rapsing ang kanilang kahandaan sa magiging epekto ng Bagyong Obet.

Matatandaang maraming mamamayan ang lumikas sa mga evacuation center sa mga bayan ng Cagayan dahil sa pagbaha na dulot ng magkasunod na bagyong Maymay at  Neneng.  

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Rapsing na mayroon silang pitong station ng Task Force Lingkod Cagayan sa mga istratehikong lugar sa lalawigan.

Naka-preposition na  ang mga response assets  at may pre-deployment na ng mga personnel sa iba’t ibang bayan.

--Ads--

Ang mga food at non-food items ay handa na at nasa dalawang bodega ng  Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ayon kay Ginoong Rapsing, nakabalik na sa kanilang mga bahay ang mga lumikas sa mga evacuation center noong bagyong Neneng ngunit  maaaring muling isasagawa ang preemptive evacuation kapag malakas ang ulan na dala ng bagyong Obet.

Ang mga Local Government Unit (LGU) ang magpapasya kung kailangan nilang magpatupad ng preemptive evacuation.

Ang mga bayan sa Northwestern, Cagayan aniya ang palaging nakakaranas ng pagbaha habang ang Northeastern na tulad ng Gonzaga,  Sta. Praxedes, Claveria at Sta Ana ang nakakaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Nagpapasalamat si Ginoong Rapsing  sa  mga mamamayan sa Cagayan dahil sa  mabilis nilang pagsunod kapag pinuntahan  ng mga opisyal ng barangay para sa kanilang paglikas kapag may banta ng panganib na dulot ng pagbaha dahil sa malakas na pag-ulan.