Matagal nang adbokasiya ng Fertilizer and Pesticide Authority ang pagsugpo sa malawakang pagpasok at pagbebenta ng mga ilegal na mga pestisidyo sa rehiyon dos.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Leo Bangad, OIC Regional Manager ng Department of Agriculture FAP Region 2, sinabi niya na matagal nang isyu ang pagpasok at pagbebenta ng mga illegal na pestisidyo sa rehiyon na kung saan nagbibigay ng masamang epekto sa kapaligiran at food systems.
Katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), mayroong monitoring ang kanilang himpilan sa mga ibinebenta online, at tinitingnan kung ito ba ay rehistrado o ilegal. Aniya, kadalasan kasi ng mga ilegal at counterfeit na produkto ay idinadaan online.
Base sa kanilang mga nagdaang operasyon, karamihan sa mga ilegal na produkto ay nangagaling sa ibang rehiyon, partikular na sa Region 3.
Aniya, may memorandum circular na ni-revoke ang kanilang opisina, partikular na ang pagbebenta online ng mga peke at ilegal na pestisidyo.
Bilang tugon dito, aayusin ng kanilang tanggapan ang sistema ng pagtitinda ng mga pestisidyo at abono nang sa ganoo’y hindi kawawa ang mga magsasaka na na-i-scam mula rito.
Dagdag niya, nakikipag ugnayan na rin sila sa iba’t-ibang mga pribadong kumpanya kung paano ang gagawin nilang regulation sa pagtitinda ng mga produktong ito.
Binigyang diin niya na walang ibinibigay na permit ang kanilang tanggapan sa mga online sellers.
Paliwanag niya, nakasasama sa mga gulay at iba pang ani ang paggamit ng mga unlabelled na mga produkto na siyang nagpapataas ng pesticide residue na lubhang mapanganib.
Matatandaan na may nahuli na rin ang kanilang tanggapan noong nakaraang taon na umabot din sa milyun-milyong halaga ang nakumpiska. Kung kaya’t mas pinapaigting nila ang pagmo-monitor sa mga nagtitinda nito.
Samantala, panawagan niya sa mga magsasaka na bumili lamang sa mga rehistrado at may permit na mga tindahan ng agricultural supply.











