
CAUAYAN CITY – Hinikayat ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Isabela ang publiko na makiisa sa pangangalaga sa kalikasan kasabay ng Philippine Enviroment Month ngayong buwan ng Hunyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PENRO Marlon Agnar ng DENR Isabela na sa June 5 ay ipagdiriwang ang World Environment Day habang sa June 4-10 ay Philippine Eagle Week.
Sa June 8 naman ay World Ocean Day, sa June 16 ay World Sea turtle Day habang sa June 17 ay World Day to combat desertification at ang June 25 ay Arbor Day.
Aniya, layunin ng mga selebrasyong ito na maimulat ang mga mamamayan kung gaano kahalaga ang pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay PENRO Agnar, bilang bahagi ng anibersaryo ng DENR, sa ikasampo ng Hunyo ay magkakaroon sila ng symposium at ang puntirya nilang maging kalahok ay ang mga Peoples Organization at Youth Leaders.
Gayunman ay gaganapin ito virtually dahil pa rin sa COVID-19.
Sa June 25 naman ay magkakaroon sila ng small group tree planting activities sa iba’t ibang lugar sa Isabela pero depende pa rin ito sa quarantine status ng Isabela.
Isasagawa naman ito sa mga tabi ng ilog pangunahin na sa ilog Cagayan bilang bahagi pa rin ng build back better program ni Pangulong Rodrigo Duterte.










