CAUAYAN CITY- Dumalo ang ilang mga kandidato sa People’s agenda na ginanap sa St. James the Apostle Parish Church kaninang alas 9 ng umaga.
Bagaman hindi dumalo ang lahat ng mga kandidato ay hindi naman naging hadlang para hindi matuloy ang programa.
Bawat kandidato sa pagka bise-alkalde ay binigyan ng 10 minuto, habang 15 minuto naman sa pagka-alkalde (mayoralty candidate) para ibahagi ang kanilang gagawing pagbabago sa ekonomiya, sosyedad, kultura, at politika sa syudad ng Santiago.
Nang tanungin ang lahat ng kandidato kung sila ay naniniwala na mayroong nangyayaring korapsyon sa Santiago, sinabi ni Mayoralty Candidate Arlene Reyes, na matagal ng mayroong korapsyon sa syudad.
Binigyang diin nito na mahigit 8 Billion pesos ang pondong dumaan sa kasalukuyang administrasyon at lahat ng ito ay hindi lubos makita sa Syudad.
Sinabi pa nito na hindi niya papayagan ang political dynasty sa syudad at hindi basta papayagan ang iisang apelyido lamang na mamumuno sa Santiago.
Ayon naman kay Mayoralty Candidate, Joseph “Otep” Miranda, matagal nang mayroong korapsyon na nagaganap sa lungsod dahil hindi naibibigay ang mga dapat na natatanggap ng mga mahihirap.
Lumalala lamang aniya ang tagging na nangyayari kung saan ang mga magkakakilala lamang at may koneksyon sa gobyerno ang nakakatanggap ng ayuda.
Giit nito, nagsimula ang korapsyon sa syudad dahil sa paglala ng vote buying.
Samantala, bigo namang dumalo si Mayor Sheena Tan na isa sa mga Mayoralty at Re-electionist.
Ikinagalak naman ng simbahan ang buong tapang na pagharap ng ilang kandidato upang iparating sa publiko ang kasagutan sa mga hinaing ng taumbayan.
Ayon sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Fr. Antonio Ancheta, sinabi niya na ito ang unang pagkakataon na magkaroon ng People’s Agenda kung saan hiningi nila ang lahat ng concern ng taumbayan upang maidulog ito sa mga kandidato.