Okupado na ni eight-division world champion Manny Pacquiao ang No. 1 spot sa inilabas na listahan ng World Boxing Council (WBC) para sa welterweight division.
Umangat si Pacquiao sa puwesto nito matapos ang majority draw sa laban nito kay reigning WBC welterweight champion Mario Barrios noong Hulyo sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Nauna nang inilagay si Pacquiao bilang No. 5 sa WBC rankings.
Nasa No. 2 naman si Souleymane Cissokho ng France kasunod sina Raul Curiel ng Mexico, Conor Benn ng Great Britain at Egidijus Kavaliausikas ng Lithuania.
Pasok sa Top 10 sina Thulani Mbenge ng South Africa, Jack Catterall ng Great Britain, Emantas Stanionis ng Lithuania, Rohan Polanco ng Dominican Republic at Abel Ramos ng Amerika.
Wala pang linaw kung sino ang makakalaban ni Pacquiao sa kanyang susunod na pagtungtong sa ring.
Ngunit kinumpirma nito na sa Disyembre ang kanyang susunod na laban.
Isa sa mga posibilidad ang rematch nito kay Barrios.
Maugong din ang pangalan nina Rolly Romero at Gervonta Davis sa mga posibleng makasagupa ng Pinoy champion.











