CAUAYAN CITY – Nagsasagawa ng pagsasanay ang mga kasapi ng Person with Disabilities ( PWDs ) para sa kanilang pangkabuhayan na makakatulong din sa pangangalaga sa kalikasan sa Santiago City.
ito ay makaraang tinututukan na rin ng Local Government Unit ang pagsasaayos ng mga basura kaya napagpasyahan ng mga PWDs na gumawa ng Eco-bag.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Person With Disability President Edison La Madrid na malaki ang maitutulong sa kanilang hanay ang paggawa ng Eco-bag.
Layunin nitong mahikayat ang mga Santiaguenio na gumamit ng Eco-bag sa pamamalengke sa halip na gumamit ng plastic bags.
Kung titignan anya ay mga plastics ang isa sa may pinakamaraming nakokolektang basura sa Santiago City.
Sinabi pa ni G. La Madrid na mababawasan na rin ang unemployment rate sa kanilang hanay dahil matapos ang kanilang pagsasanay ay maaari silang magtayo ng sariling negosyo.




