CAUAYAN CITY – May hawak nang persons of interest ang cauayan city police station hinggil sa kaso ng pagbaril at pagpatay sa anak ng isang retiradong hukom at kasama nito na isang babae.
Sa case review kaugnay ng pagpatay kina Socrates Bala Sr. at Cristine Kaye Rocas, inihayag ng pamilya Bala ang mga personalidad na posibleng may kinalaman sa pagbaril sa kanilang anak.
Ayon kay Police Senior Insp. Ferdinand Datul, hawak na nila ang pangalan subalit tumanggi siya na isapubliko para sa karagdagang pagsisiyasat.
Kaugnay nito, sa susunod na linggo ay makukuha na ng mga otoridad ang mga CCTV camera na unang ipinasuri sa Cyber Crime Division ng Kampo Krame.
Makakatulong ang mas malinaw nang kopya ng mga CCTV camera para sa pagkakatukoy ng mga salarin gayundin ang mga ruta na kanilang dinaanan matapos ang pagpatay sa dalawang biktima.
Magugunita na noong October 9, 2017 ay pinagbabaril sina Bala at Rocas habang sila ay lulan ng sasakyan sa harapan ng isang bahay kalakal sa centro ng lunsod ng Cauayan.




