--Ads--

CAUAYAN CITY – Inirereklamo ng ilang mga residente sa Barangay Dabburab Cauayan City ang umano’y operasyon ng peryahan na nakabubulabog umano sa mga mamamayan.

Ang fiesta ng Barangay ay sa buwan ng Abril pa sa susunod na taon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isang concern citizen, sinabi niya na napakaingay sa lugar dahil dinadayo ito ng ilang mga residente mula pa sa karatig barangay at mayroon pa silang malalakas na sound system na talagang nakabubulabog.

Dahil dito, marami aniya sakanilang mga magsasaka ang gustuhin sanang maagang matulog dahil pagod galing sa bukid ngunit hindi sila agad nakakatulog dahil sa ingay na nagmumula sa peryahan.

--Ads--

Maging ang mga karatig Barangay aniya ay rinig na rinig pa umano ang sound system na nagmumula sa peryahan.

Nabahala pa umano sila nang maging usap usapan na aabutin pa hanggang december ang peryahan sa kanilang lugar.

Kinumpirma naman ng pamahalaang Barangay ng Daburrab na nakakatanggap sila ng mga reklamo mula sa kanilang mga kabarangay dahil sa ingay na nagmumula sa peryahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Melvin Sarandi, may usapan sila ng namumuno ng peryahan na hanggang September 4 lang dapat ang operasyon nito dahil ito ang araw ng kanilang pista.

Subalit nang matapos ang pagdiriwang ay muli silang nakiusap na manatili muna sa lugar dahil wala pa silang malilipatan.

Inamin din niya na walang permit at walang binabayaran ang may-ari ng peryahan mula ng dumating ito sa Barangay.

SAMANTALA Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan sa namumuno ng peryahan na si Ginang Marilyn Guzman, sinabi niya na August pa lamang ay nasa lugar na sila ngunit dipensa niya na bagaman mahigit isang buwan na sila sa lugar ay lugi at hindi raw sila nakapag operate ng madalas dahil sa mga pag-ulan.

Nilinaw din niya na may permit sila gaya na lamang ng Mayor’s permit subalit wala silang naging kontrata sa Barangay para mag operate sa lugar.

Aniya, nagkasundo sila ng pamunuan ng Barangay na walang babayaran basta magkaroon lang ng peryahan sa kanilang piyesta.

Pinaliwanag din niya na kaya hindi sila makaalis sa lugar dahil wala pa silang malilipatan

Ngunit dahil sa reklamo ng mga residente sa lugar ay uuwi na lamang sila at magrerenta ng sasakyan para maiuwi ang kanilang mga gamit.

Samantala, ngayong araw ng Miyerkules ay nagliligpit na ang peryahan ng kanilang mga gamit at anila wala na silang planong magbukas mamayang gabi.