--Ads--

Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas nitong Lunes, Marso 16, na dalawang Pilipino ang naaresto ng mga awtoridad sa United Arab Emirates (UAE).

Ayon sa ulat, dinakip ang dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos umanong mag-post sa social media ng mga video na nagpapakita ng missile attacks sa UAE sa gitna ng tumitinding tensiyon sa Middle East na kinasasangkutan ng Iran, Israel, at Estados Unidos.

Agad namang nakipag-ugnayan ang embahada sa mga awtoridad ng UAE upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga nasabing Pilipino.

“The Embassy has confirmed the identities and current location of the two arrested individuals, both of whom are Overseas Filipino Workers (OFWs) in the UAE),” pahayag ng embahada.

--Ads--

Dagdag pa ng embahada, nakipag-ugnayan na rin sila sa mga pamilya ng mga apektadong OFW upang mabigyan ang mga ito ng napapanahong impormasyon at kinakailangang suporta.

Nagbigay na rin ang embahada ng legal assistance sa dalawang naaresto sa pamamagitan ng isang legal counsel na kanilang itinalaga.

Bukod dito, nagsumite na rin ang embahada ng kahilingan sa mga kinauukulang awtoridad sa UAE para sa isang consular visit sa mga nasabing Pilipino.

Gayunman, dahil sa patuloy na imbestigasyon at sa kahilingan ng mga pamilya, sinabi ng embahada na hindi muna sila maglalabas ng iba pang detalye hinggil sa kaso.