Nakikipag-usap na ang Pilipinas sa mga bansa na trade partner nito katulad ng India para sa dagdag na suplay ng langis, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bukod sa India, sinabi ng Pangulo na isinama na rin ng gobyerno sa mga kinakausap ang China, Japan, Thailand, Brunei, at South Korea sa posibleng mapagkunan ng suplay.
Ayon kay Marcos, maganda naman ang resulta ng mga pag-uusap at nakahanda silang tumulong sa Pilipinas. “Maganda naman ang nagiging usapan natin. Buti na lang at talagang pinakaibigan natin sila at sila’y handang tumulong sa atin,” ani Marcos.
Pero hindi binanggit ni Marcos kung anong partikular na bansa ang tutulong sa Pilipinas.
Nauna rito, tiniyak ng Department of Energy na may makukunan pa rin ng suplay ng mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis pagkatapos ng April 15, o ang panahon kung hanggang kailan tatagal ang imbak na langis sa bansa sa ngayon.











