Tiniyak ng isang opisyal ng Philippine Navy (PN) na handa ang kanilang hanay sa posibilidad ng mga incursion o pananakop ng Chinese maritime forces sa mga dagat na sakop ng Pilipinas, partikular sa West Philippine Sea (WPS), ngayong taon.
Sinabi ni PN spokesperson para sa WPS na si Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na ang Navy, kasama ang buong pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ay naghahanda para sa pagpapatupad ng comprehensive archipelagic defense operations.
Ayon kay Trinidad, malinaw ang direksyon ng AFP na tiyakin ang seguridad at proteksyon ng teritoryo ng bansa hanggang sa exclusive economic zone (EEZ) at maging sa mga lugar na lampas pa rito.
Nagbigay siya ng pahayag kaugnay sa tanong kung ano ang magiging tugon ng pamahalaan sakaling magpatuloy ang panggigipit ng China sa West Philippine Sea ngayong taon.
Ang comprehensive archipelagic defense operations ay nakabatay sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept, isang estratehikong pagbabago na nananawagan sa AFP na ipagtanggol ang buong teritoryo ng Pilipinas, kabilang ang 200-nautical-mile EEZ ng bansa.
Dagdag pa ni Trinidad, patuloy ang PN, Philippine Air Force, Philippine Army, at Joint Headquarters sa pagpapalakas ng kakayahan ng sandatahang lakas upang maipakita at mapanatili ang presensya ng kanilang mga pwersa. Kabilang dito ang paggamit ng mga pangunahing sasakyang pandagat at ang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Nilinaw rin ng opisyal na hindi sila naglalabas ng detalye hinggil sa mga nalalapit na operasyon, ngunit tiniyak niyang ang iba’t ibang operational plans ay nasa kamay na ng mga nararapat na unified commanders, partikular ng Western Command at Northern Luzon Command, para sa maayos na pagpapatupad.









