CAUAYAN CITY – Magkakaloob na ang Philhealth ng Benefit Package para sa mga Covid patient na sumasailalim sa Home Isolation.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Danilo Reynes, ang Regional Vice President ng Philhealth Region 2, sinabi niya na dahil karamihan sa mga pasyente ng Covid 19 na nakaconfine sa mga ospital ay mild cases lamang ay naglabas ang DOH ng guidelines na isailalim na lamang sa home isolation ang mga ito at tanging mga moderate hanggang severe at critical cases na lamang ang maconfine upang hindi na punuan sa ospital.
Ayon kay Dr. Reynes magbibigay ang Philhealth ng 5,917 pesos na home isolation benefit package sa mga accredited home isolation benefit package provider.
Ang mga serbisyo na nakapaloob sa package ay ang konsultasyon ng doktor sa pasyenteng nakahome isolation ng sampung araw.
Ang unang konsultasyon ng doktor ay dapat na face to face dahil ibibigay ang mga gamot, vitamins at iba pang kailangan ng pasyente para sa pagmonitor sa kanyang sitwasyon maging ang signed consent ng pasyente sa kanyang pagsailalim sa home isolation.
Para makakuha ang mga covid home isolation providers o ang mga isolation facilities ng benefit package ay kailangan nilang magsumite ng self assessment tool, pirmadong performance commitment, referral plan na may referral facility sakaling kailanganin ng pasyente na madala sa ospital, kailangan din nila ng certificate of service delivery support sa isang telemedicine provider o doktor para sa konsultasyon sa mga naka isolate na pasyente.
Kailangan din ng authorization letter mula sa ibang facility para sa paggamit ng E-claim system dahil sa isusumite na benefit package sa pamamagitan ng email.
Kailangan naman ng pasyente ang internet access para sa konsultasyon ng doktor sa kanilang sitwasyon, magprint ng assessment checklist na maaaring I download sa website ng Philhealth at iaasses ito ng BHERT kung kailangang dalhin sa CIU o home isolation na lamang.
Kailangan din ng pasyente ang claim signature form at confirmation receipt na patunay na natanggap niya ang home isolation kit.
Lahat ng requirement ay ibibigay sa accredited facility at isusumite naman sa pamamagitan ng E claims sa philhealth.
Ayon kay Dr. Reynes mismong Philhealth ang nakikipag ugnayan sa mga home isolation providers, Community Isolation Units at mga ospital upang alamin kung interesado silang mag avail ng accreditation para sa home isolation benefit package.
Valid ang nasabing accreditation hanggang ikatatlumput isa ng Disyembre, 2021.
Aniya ang pagbibigay ng Philhealth ng Home Isolation Benefit Package ay para maremedyuhan ang kakulangan sa Covid 19 Beds sa mga ospital dahil sa dami ng mga pasyenteng nakaadmit kahit sila ay maaari namang maghome isolation na lamang.











