
CAUAYAN CITY – Bumagal ang pagbabayad ng PhilHealth Region 2 sa mga pagamutan para sa benefit claims ng mga Philhealth members sa Rehiyon sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Danilo “Dean” Reynes, Acting Regional Vice President ng Philhealth Region 2 sinabi niya na noong hindi pa nagsisimula ang pandemya ay isa ang PhilHealth Region 2 sa pinakamabilis magbayad sa mga pagamutan para sa mga philhealth members na naoospital.
Aniya nasa tatlumput apat na araw lang ang kanilang turn around time sa pagbabayad ngunit dahil nagkaroon ng pandemya ay naapektuhan ang kanilang labimpitong kawani sa virus at ang iba ay nakawork from home dahil sa lockdown.
Dahil dito ay nabawasan ang workforce ng tanggapan na nagpoproseso sa claims ng mga myembro.
Bumilis naman ang pagdami ng mga naoospital kaya dumami rin ang mga claims sa Philhealth.
Dahil marami ang idineklarang high at critical risk areas sa rehiyon ay pinagpaplanuhan ng Philhealth Region 2 na magkaroon ng expansion ang kanilang debit-credit payment mechanism upang matulungan ang mga accredited healthcare hospitals para sa kanilang gastusin lalo na sa Covid 19 response.
Ayon kay Dr. Reynes sa mga lugar lamang na nakasailalim sa GCQ Bubble unang binuksan ang debit-credit payment mechanism tulad sa NCR Plus.
Hinihintay pa naman ng tanggapan ang ibababang circular para sa gagawing revision nito.
Ayon kay Dr. Reynes apat ang benefit package ng Philhealth sa Covid 19, kabilang dito ang mild, moderate, severe at critical pneumonia.
Nasa P43,997 ang benefit package para sa mga mild pneumonia patients na matatanda na o mayroong comorbidities at naadmit sa level 1 hanggang level 3 hospitals.
P143,267 benefit package naman para sa mga moderate pneumonia patients at naadmit sa level 2 hanggang level 3 hospitals.
P333,519 benefit package naman ang binabayaran ng PhilHealth sa mga severe pneumonia patients na nasa Intensive Care Unit o ICU habang ang mga Critical pneumonia patients naman ay umaabot sa 786,384 benefit package ang kanilang binabayaran.
Ayon sa Philhealth Region 2 may sapat pang pondo para sa nasabing packages na kino-cover ng Philhealth kaya tiniyak nilang maipoproseso lahat ang mga natenggang philhealth claims upang kanilang maibayad na sa mga nangangailangan.










