--Ads--

CAUAYAN CITY – Hindi na bago ang panuntunan na dapat magrehistro sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth)  ang mga estudiyante sa kolehiyo na lalahok sa face-to-face classes.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Cesar Sales, Division Chief ng  Field Operations Division ng Philhealth region 2 na noong huling quarter ng 2021 ay mayroon nang joint memorandum circular na ipinalabas ang Department of Health (DOH) at Commission on Higher Education (CHED) na kailangang ang medical insurance na may coverage sa COVID-19 ang mga estudyante na lalahok sa face-to face classes.

Sakop ng medical insurance ang mga benepisyo sa Philhealth  kapag nagkasakit ng COVID-19.

Aon kay Ginoong Sales, sa nakaraang dalawang buwan ay nakipag-ugnayan na sila sa mga kolehiyo at pamantasan na nagpapatupad ng face-to-face classes para sa registration sa Philhealth ng mga estudiyante.

--Ads--

Ang mga paaralan na ang kukuha ng basic information ng mga estudyante para sila ang magsusumite sa Philhealth.

Layunin nito na hindi dadagsain ng mga estudiyante ang mga tanggapan ng Philhealth.

Magsasagawa naman ng verification ang Philhealth para malaman kung ang estudiyante ay dati nang rehistrado o hindi pa.

Kung ang estudiyante ay may edad 20 pababa ay dependent pa lang sa mga magulang habang ang nasa edad 21 pataas ay maibibilang na sa   principal membership.

Ang nasa kategorya ng dependent ay dapat rehistrado ang magulang at aktibong miyembro.

Sa principal membership ay registration muna ang kailangan sa kanila.

Ayon kay Ginoong Sales, sa ilalim ng Universal Health Act ay dapat rehistrado ang lahat ng mga Pilipino sa Philhealth para sa serbisyong medikal.