CAUAYAN CITY – Naka-high alert na ang Philippine Coast Guard Station Cagayan bilang paghahanda sa bagyong Egay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Coast Guard Lt. Senior Grade Miguel Angelo Gangan, acting station commander ng CGS Cagayan sinabi niya na bago pa man dumating ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility ay nakaheightened alert status na ang kanilang deployable response groups na handang tumulong sa paglilikas sa mga apektadong residente.
Kabilang sa mga tinutukan ng Coastguard ang mga coastal municipalities ng Cagayan pangunahin na ang bayan ng Sta. Ana.
Kabilang din sila sa mga tumulong sa preemptive evacuation sa Baggao, Cagayan.
Isa rin sa kanilang tinutukan ang pagbabawal sa mga mangingisda at iba pang sasakyang pandagat na pumalaot dahil sa masamang lagay ng panahon at maalong karagatan.
Kabilang din ang kanilang tropa sa pamamahagi ng mga relief goods sa ilang evacuation centers sa naturang lalawigan.
Tiniyak naman niya na handa ang kanilang hanay sa disaster response at patuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang tumulong sa mga apektadong residente.
Tinig ni Coast Guard Lt. Senior Grade Miguel Angelo Gangan.