CAUAYAN CITY – Pinasinayaan kahapon ang Philippine Crocodile Conservation Center na itinayo sa Isabela State University San Mariano Campus.
Isa itong tripertite agreement sa pagitan ng ISU sa pamumuno ni Dr. Ricmar Aquino, Mabuwaya Foundation sa pamamagitan ni executive officer Merlign Van Weerd at ni Chief Operating Officer Marites Balbas at LGU San Mariano na pinamumunuan ni Mayor Edgar Go.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Ricmar Aquino, pangulo ng ISU System na layunin ng proyekto na ingatan at mapangalagaan ang natitirang kakaibang uri ng Philippine Crocodile na tinatawag na Crocodilus Mindorensis na matatagpuan sa San Mariano at iba pang lugar sa Sierra Madre.
Sinabi ni Dr. Aquino na ang Philippine Crocodile Conservation Center ay magiging breeding area at aalagaan ang mga itlog ng mga buwaya hanggang mapisa at lumaki.
Kapag lumaki na ang mga buwaya ay dadalhin na sa mga ilog at sapa sa bundok ng Sierra Madre.
Tiniyak naman ni Dr. Aquino na ang ipinatayong Philippine Crocodile Conservation Center ay malayo sa mga gusaling pampaaralan at ligtas ang mga buwaya sa kanilang kinaroroonan.
Kumpleto ito sa mga bakod at pasilidad at maari din itong maging pook pasyalan sa larangan ng Turismo bukod pa sa mga magagandang talon na matatagpuan sa San Mariano.
Balak na isunod na proyekto ay ang pagbubukas ng daan malapit sa Daang Maharlika papasok sa Breeding Station na hindi na kailangang dumaan sa ISU Campus.
Bukas din si Dr. Aquino na maimulat sa kamalayan ng mga batang mag-aaral na maipakita kung paano pinapangalagaan ang mga rare species na mga sanggol ng buwaya sa San Mariano, Isabela.