--Ads--

CAUAYAN CITY – Ikinagagalak ng Philippine Red Cross – Isabela ang muling paglulunsad ng Bombo Radyo Philippines ng “Dugong Bombo: A Little Pain, A life to Gain” Blood Donation Program na gaganapin sa ika-16 ng Nobyembre.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mark Oliver Alimuc, Officer-in-charge ng PRC Isabela, sinabi niya na marami sa ngayon ang nangangailangan ng dugo dahil sa pagtaas ng kaso ng Dengue sa Lalawigan.

Maliban sa pagsasagawa ng mga blood letting activities ay nanghihikayat sila ng mga walk-in donors para mapunan ang pangangailangan ng dugo ng nakararami.

Aminado naman siya na kung minsan ay hirap silang manghikayat sa ilan na mag-donate ng dugo sa paniniwalang hindi umano maganda sa katawan ang pagbibigay ng dugo na kaniya namang pinabulaanan.

--Ads--

Tuwing buwan aniya ng Nobyembre, Disyembre at Enero o ang tinatawag nilang ‘Lean Season’ ay madalang na lamang ang nag-dodonate ng dugo dahil kadalasan ay nasa bakasyon na ang ilan dahil sa holiday season.

Kaya naman laking pasasalamat nila sa Bombo Radyo Philippines dahil naitaon sa buwan ng Nobyembre ang Dugong Bombo na siya umanong magsasalba sa Lean Season ng Philippine Red Cross.

Pinayuhan naman niya ang mga nagnanais na mag-donate ng dugo sa Nobyembre na matulog ng mahigit anim na oras at huwag uminom ng alak -12 hours bago ang donation at dapat ay physically fit.

Ang mga kwalipikado sa pagdo-donate ng dugo ay ang mga edad 17 pataas ngunit kinakailangan ng parents’ consent kapag menor de edad pa lamang.

Hinihikayat naman niya ang lahat na mag-donate ng dugo upang makatulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagdurugtong ng kanilang buhay.