Umabot na sa 269 pasyente ang naasikaso ng Philippine Red Cross (PRC) kaugnay ng Feast of the Jesus Nazarene hanggang kaninang alas-10 ng umaga ng Enero 9, 2026. Sa kabuuang bilang, 149 ang sumailalim sa vital signs monitoring habang 101 ang nagtamo ng minor injuries tulad ng pagkahilo, mababaw na sugat, gasgas, at pilay. Sampung kaso naman ang itinuring na major, kabilang ang malalalim na sugat, pananakit ng ulo, at puncture wounds.
Siyam na pasyente ang kinailangang ilipat sa iba’t ibang ospital, kabilang ang Philippine General Hospital, East Avenue Medical Center, Philippine Orthopedic Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, Tondo Medical Center, at Fabella Hospital. Ayon sa PRC, ang mga dahilan ng paglipat ay kinabibilangan ng kawalan ng malay, dislocation, bali sa tadyang, pananakit ng mga paa, at pagkahulog.
Sa serbisyong pang-welfare, 71 indibidwal ang nabigyan ng tulong, kabilang ang 29 na tumanggap ng psychosocial first aid, 20 referrals, 20 food packs, at dalawang libreng tawag.
Samantala, sa Emergency Field Hospital ng PRC na matatagpuan sa KKK Monument sa tabi ng Manila City Hall, 30 pasiyente ang naasikaso, kung saan 28 ay minor cases at tatlo ang inilipat sa ibang ospital. Karamihan sa mga pasiyente ay walk-in, habang ang iba ay dinala ng PRC ambulance.
Upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto, nag-deploy ang PRC ng malawak na puwersa kabilang ang 17 first aid stations, 19 ambulansya, siyam na Medic on Wheels, tatlong rescue boats, at isang Emergency Field Hospital. Kabuuang 1,200 staff at volunteers ang kasalukuyang naka-mobilize para sa operasyon.











