Muling nabigyang-buhay ang track cycling sa Pilipinas matapos ilunsad ang ika-45 Asian Cycling Confederation Track Championships sa bagong Tagaytay City Velodrome.
Ito ang kauna-unahang pagho-host ng bansa ng track cycling event makalipas ang 31 taon mula nang huli itong ginanap sa Amoranto Sports Complex.
Kasabay nitong ginaganap sa Tagaytay ang ika-14 Asian Para Track Cycling Championships, na nilalahukan ng mga atleta mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.
Dumalo sa pagbubukas ng torneo ang mga opisyal mula sa Asian Cycling Confederation, Philippine Sports Commission, at lokal na pamahalaan ng Tagaytay.
Ayon sa pamunuan ng PhilCycling, hindi muna inaasahan ang maraming medalya mula sa mga atletang Pilipino dahil muling binubuo pa lamang ang national track cycling team.
Gayunman, inaasahang magsisilbing simula ang naturang torneo at ang bagong velodrome sa muling pag-angat ng track cycling sa bansa, na minsang naghatid ng karangalan sa Pilipinas sa Southeast Asian Games.





