CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng Identification Card Caravan on wheels ang Philippine Veterans Affairs Office Division-Manila dito sa lungsod ng Cauayan.
Nauna nang bumisita ang ahensya sa Maguindanao noong nakaraang buwan at pangalawa ang Region 2 sa binisita upang magbigay ng serbisyo sa mga Veterans sa lungsod.
Ang mga beterano ay ang mga naglingkod sa militar noong rebolusyon laban sa Espanya, Philippine American War at World War II, kabilang ang mga Filipino Citizens na nagsilbi sa Allied Forces sa Philippine Territory.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Chief Olivia Alejandrino, sinabi niya na ang caravan ay naglalayon na mapalitan ang mga ID ng mga beterano dahil matagal na itong hindi napapalitan.
Aniya, tulad ng mga Government Issued ID’s, magagamit din aniya ang Philippine Veterans Affairs Office o PVAO ID sa mga transaction sa bangko, pension at medical transaction.
Ang serbisyo ay dalawang araw na isasagawa sa lungsod upang mabigyan ng pagkakataon ang taga ibang lugar na magpa-ID bukas.