
CAUAYAN CITY – Kinondena ng PHILRECA Partylist ang pagkakadawit ni General Manager David Solomon Siquian at Board of Director Michael Paguirigan ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) II sa pagpatay kay Internal Audit Manager Agnes Palce.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PHILRECA Representative Presley De Jesus, sinabi niya na titiyakin nilang katuwang ang iba pang electric cooperative ay hindi makakaapekto ang naturang eskandalo sa operasyon at pagbibigay ng serbisyo ng ISECO II sa mga member-consumer.
Nilinaw De Jesus na hindi maaaring magkaroon ng special rights ang National Electrification Administration (NEA) na i-takeover ang ISELCO II tulad ng kahilingan ng Isabela Consumer Watch Incorporated dahil kailangang magkaroon ng patas na pagsisiyasat.
Malinaw aniya sa batas na ang mga kooperatiba lamang na wala nang kakayahang magbigay ng maayos na serbisyo ang maaaring i-takeover ng NEA.
Batay sa pinakahuling report mula sa ISELCO II, sumailalim ito sa audit sa pangunguna ng NEA subalit walang natuklasang anumang problema.
Ayon kay Partylist Rep. De Jesus, hindi sila manghihimasok sa akusasyon laban sa general manager ng ISELCO II ngunit mananatili silang nakatutok sa operasyon at pagbibigay ng serbisyo ng kooperatiba.










