--Ads--

Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang paggamit ng Philippine Identification System o PhilSys ID bilang pangunahing requirement sa pagkuha ng social pension ng mga senior citizens.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na pangunahing hinihikayat ang mga benepisyaryo na gamitin ang kanilang PhilSys ID sa pag-claim ng kanilang pension.

Gayunpaman, maaari pa ring gumamit ng iba pang valid IDs tulad ng OSCA ID at iba pang government-issued IDs kung wala pang PhilSys ID ang senior citizen.

Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang matulungan ang mga benepisyaryong wala pang national ID. Maglalagay ng mga tauhan ang PSA sa mga payout sites upang tumulong sa pagproseso ng PhilSys ID ng mga senior citizens.

--Ads--

Ayon pa sa opisyal, nagsimula na ngayong unang bahagi ng taon ang paggamit ng PhilSys ID bilang bahagi ng pagsunod sa direktiba ng Department of Budget and Management (DBM) na gamitin ito bilang pangunahing identification system sa mga transaksyon sa gobyerno.

Ipinaliwanag din niya na layunin nitong mapadali at maging mas maayos ang pagbibigay ng serbisyo, dahil kumpleto ang impormasyon sa PhilSys ID at maaari itong magamit sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Para naman sa mga kukuha ng pension sa pamamagitan ng authorized representative, kinakailangan ang authorization at valid IDs ng parehong senior citizen at ng kinatawan, kabilang na ang PhilSys ID kung mayroon.

Patuloy namang hinihikayat ng DSWD ang publiko, lalo na ang mga senior citizen, na magparehistro sa PhilSys upang mapadali ang kanilang pag-avail ng mga benepisyo mula sa pamahalaan.