CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng inspection sa 5th Infantry Division, Philippine Army sa Gamu, Isabela ang ilang doktor mula sa Provincial Health Office (PHO).
Ito ay matapos ang tuluyan nang pagdating sa bansa kahapon ng Sinovac vaccine mula sa China.
Isinagawa ito para makita kung maaaring gawing vaccination sites ang kampo ng mga sundalo kapag nakarating na sa lalawigan ang naturang bakuna.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Jekyll Dulawan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, sinabi niya na walang sapat na storage ang kampo na akma sa pangangailangan ng bakuna para mailagay sa ayos hanggang sa magamit.
Sakali namang walang maibigay 5th ID ay maaring sa mga pagamutan na lamang sa labas ng kampo ang gawing storage site at ang tanging ipapasok na lamang sa kampo ay ang saktong bilang ng mga mababakunahan sa isang araw para hindi maapektuhan ang kalidad nito kung maimbak sa hindi akmang temperatura.
Samantala, handa ang kampo ng mga sundalo na gawing vaccination sites kapag ito ay ipag-utos ng kanilang higher headquarters.
Gayunman ay mahalaga pa ring maplano ng maayos ang pagpasok ng mga sibilyan sa loob ng kampo dahil isisaalang-alang pa rin ang seguridad ng lahat.
Sakaling matuloy ay maaring by cluster ang ipapatupad para sa pagpapabakuna upang madali lamang na kontrolin ang mga sibilyan na babakunahan ngunit ito ay nakadepende pa rin sa usapan sa bawat lokal na pamahalaan.
Inamin ni Major Dulawan na ilan sa mga sundalo ay nagdadalawang-isip na magpabakuna.
Iginagalang naman nila ang desisyon ng bawat isa ngunit kung ito ay magiging mandatory sa lahat ay kailangan nilang sumunod.
Sa ngayon ay abala ang 5th ID sa pagsasagawa ng information drive sa mga sundalo upang ipaunawa ang kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19.





