Gumuho ang Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala, Cagayan kahapon, na siya na ngayong ikalawang tulay na bumagsak sa rehiyon ngayong taon.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, ilang ten-wheeler truck ang kasalukuyang tumatawid sa tulay nang ito ay gumuho.
Ang nasabing steel bridge na may habang 74.70 metro ay iniulat na nasa maayos na kondisyon pa noong Oktubre 2024, batay sa tala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang website.
Sa ngayon ang Task Force Lingkod Cagayan – Quick Response Team (TFLC-QRT) Amulung Station ay nagbibigay na ng assistance sa mga motorista na kinakailangang dumaan sa alternatibong ruta matapos bumagsak ang tulay.
May mga nakastandby na rescuer sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sa ngayon, naglagay na rin ng mga caution warning sign ang kanilang team malapit sa bumagsak na tulay upang maiwasan ang anumang aksidente.
Samantala Ibinahagi ni Governor Edgardo Aglipay ang kaniyang mga rekomendasyon kaugnay sa bumagsak na Piggatan Bridge sa Alcala, Cagayan.
Kasunod ng pangyayari, inirerekomenda ng gobernador ang pagsasagawa ng pagsusuri sa integridad ng mga tulay sa buong lalawigan.
Matatandaang noong Pebrero, bumagsak din ang bagong-retrofitted na Cabagan–Santa Maria Bridge sa lalawigan ng Isabela, na nagresulta sa pagkahulog ng apat na sasakyan sa Ilog Cagayan.
Ang pinakahuling insidente ng pagbagsak ng tulay ay nangyari sa gitna ng malaking isyu ng katiwalian kaugnay sa mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura, na kasalukuyang iniimbestigahan sa Senado, at naging dahilan ng pagbuo ng isang independent commission upang siyasatin ang umano’y sabwatan sa pagitan ng mga mambabatas, opisyal ng gobyerno, at mga kontratista.











