--Ads--

CAUAYAN CITY – Inireklamo ng ilang home owners sa isang subdivision sa Sillawit, Cauayan City ang masangsang na amoy na mula sa isang piggery farm.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jonnel Acoba na nakatira sa naturang subdivision, sinabi niya na matagal na nilang problema ang masangsang na amoy lalo na sa umaga at gabi mula sa piggery farm malapit sa subdivision.

Halos silang lahat na home owners ay apektado lalo na ang mga nakatira sa likurang bahagi o dulo ng subdivision.

May ilang bata na ang sinusumpong ng hika habang ang ilan ay hindi na nakakatulog ng maayos dahil sa masangsang na amoy mula sa piggery at sandamakmak din ang mga langaw na pumapasok sa mga kabahayan kaya hindi na sila nakakakain ng maayos.

--Ads--

Naisangguni na nila sa barangay ang kanilang problema noon pang 2020 at may mga panahon na sinamahan ng baranagy ang ilang home owners para mapuntahan ang pinagmulan ng amoy at natuklasan na nagmumula ang mabahong amoy sa Petines Farm.

Nagkaroon na ng inspection noon mula sa sanitary team subalit office hour lamang ang oras ng kanilang pagtungo sa lugar at sa kanilang pagtungo ay walang masangsang na amoy.

Nais ngayon ng ilang home owners na magkaroon ng surprise inspection at itaon sa umaga o gabi na madalas nangangamoy ang piggery.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan  Michael Evangelista ng Sillawit, Cauayan City, sinabi niya na may mga home owners ang sumangguni sa kanila at sinamahan nila upang matiyak na sa farm nanggagaling ang amoy.

Nagkaroon na rin ng pag-uusap ang may-ari ng piggery sa  home owners association matapos magpetisyon.

Tinanggap ng mga nakatira sa subdivision  ang paliwanag ng may-ari ng piggery farm na mayroon silang mga pasilidad gaya ng tunnel bend na dinadaanan ng dumi ng baboy o waste to bio-gas subalit makalipas ang ilang linggo ay muli silang nakatangap ng reklamo dahil sa masansang na amoy lalo na sa gabi.

Dumiretso ang mga home owners sa Cauayan city sanitary office na nagsagawa ng inspection subalit sinabing wala silang naamoy.

Dahil sa patuloy itong problema iminungkahi niya na magsanib puwersa ang sanitary at Environmental management Bureau sa  surprise inspection para mas matiyak na doon talaga ang pinagmumulan ng amoy.

Handa naman ang barangay na makipag-ugnayan sa mga nabanggit na ahensya upang matugunan ang hiling ng mga home owners.

Pakiusap niya sa may-ari ng piggery farm na resolbahin ang kanilang kakulangan sa pasilidad dahil naapektuhan na rin ang kalusugan ng mga bata.

Wala rin namang problema sa kanilang mga opisyal ng barangay dahil aaksyon sila sa idudulog na reklamo sa kanila sa abot ng kanilang makakaya.

Samantala, humingi ng paumanhin  ang tagapamahala ng Petines farm sa mga nakatira sa naturang subdivision na naperwisyo sa masangsang na amoy ng piggery farm.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Glyza Ordonio, tagapamahala ng Petines Farm, sinabi niya na mayroon silang bio-gas na dinadaanan ng mga dumi ng baboy upang matuyo at maiwasan ang masangsang na amoy.

Inamin niya na  madalas nangangamoy ang piggery tuwing umaga, dakong hapon at gabi dahil walang sikat ng araw.

Dahil dito ay natatangay ng hangin ang masangsang na amoy mula sa piggery patungo sa kalapit na subdivision.

Minamadali na ng pamunuan ng farm na bumili ng biodeodorizer na inilalagay sa kanilang open lagoon na malaking tulong para mapigilan ang pagsingaw ng masansang na amoy.

Ayon kay Ginang Ordonio habang hinihintay nila ang biodeodorizer ay dadalasan na ang flashing para malinisan ang mga dumi sa piggery upang hindi na makaperwisyo.