--Ads--

Nagkaroon ng “positive progress” ang usapan ng Pilipinas at China hinggil sa posibleng joint oil and gas exploration sa South China Sea, ayon sa Chinese Embassy sa Maynila.

Sinabi ng embahada na nagsagawa ng masusing talakayan ang dalawang bansa ukol sa joint development sa pinagtatalunang karagatan at nananatiling bukas ang China sa dayalogo at kooperasyon.

Gayunman, nilinaw ng pamahalaang Pilipino na wala pang isinasagawang joint exploration sa kasalukuyan, ngunit maaari itong mangyari sa hinaharap.

Nauna nang nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pagiging bukas sa muling pakikipag-usap sa China para sa joint energy projects.

--Ads--

Nanatiling sensitibo ang usapin dahil sa isyu ng soberanya, mga limitasyon ng Konstitusyon, at magkakapatong na pag-aangkin sa South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea.

Matatandaang ibinasura ng Korte Suprema noong 2023 ang Joint Marine Seismic Undertaking dahil sa paglabag sa Konstitusyon, habang pinagtibay ng international tribunal noong 2016 ang paborableng desisyon para sa Pilipinas na hindi kinikilala ng China.