Inihayag ng Malacañang nitong Lunes na pinag-aaralan ng pamahalaan ang paggamit ng United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) upang matunton at maibalik sa bansa ang tumakas na mambabatas na si Zaldy Co.
Ang UNCAC, na niratipikahan ng Senado noong 2006 at may 192 bansang kasapi, ay isang pandaigdigang kasunduan na nagbibigay ng balangkas para sa kooperasyon laban sa katiwalian.
Ang paggamit sa UNCAC laban kay Co ay unang iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson.
Ayon kay Presidential Communications Office Usec. Atty. Claire Castro, maaaring tuklasin ang UNCAC dahil mayroon itong mekanismo para sa international cooperation, ngunit nakadepende pa rin ito sa bansang kasangkot.
Dagdag pa niya, kinakailangang tipunin muna ang Presidential Inter-Agency Committee na pinamumunuan ng Executive Secretary, dahil ito ang nag-iimplementa at nagmomonitor ng UNCAC.
Si Co, dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list, ay isa sa mga pangunahing personalidad na nasangkot sa malawakang anomalya kaugnay ng mga flood control projects. Idineklara siyang “fugitive from justice” ng Sandiganbayan Fifth Division, na nag-utos din sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang kanyang pasaporte.
Batay sa ulat, kasalukuyan siyang nagtatago sa Portugal, isang bansang walang kasunduan sa extradition kasama ang Pilipinas.






