Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matagumpay na nakakuha ng natural gas ang bansa mula sa Camago-3 well sa Malampaya gas fields sa Palawan.
Ang proyekto ay bahagi ng $893-milyong pamumuhunan ni negosyanteng Enrique Razon at ng kanyang mga katuwang. Nauna nang nakatuklas ng gas sa Malampaya East 1, ang unang discovery sa loob ng mahigit isang dekada.
Ayon sa Pangulo, ang Camago-3 well ay nakakapag-produce ng hanggang 60 milyong standard cubic feet ng gas kada araw. Tinatayang 2.5 beses na mas marami ang makukuhang gas dito kumpara sa Malampaya East 1.
Dagdag pa niya, mas mura ang kuryente mula sa Malampaya gas na nagkakahalaga ng ₱4.80 kada kilowatt hour, kumpara sa imported liquefied natural gas na ₱10.30. Target ng pamahalaan ang unang delivery ng gas sa ika-apat na quarter ng 2026.
Binanggit din ng Pangulo ang susunod na proyekto, ang Bagong Pag-asa well, na matatagpuan 30 kilometro sa hilaga ng Malampaya.
Mahalaga raw ang bagong tuklas na ito lalo na sa gitna ng krisis sa enerhiya na dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan, kung saan tumaas ang presyo ng langis at idineklara ng Pilipinas ang state of national energy emergency.





