--Ads--

Inihayag ng militar ng Pilipinas na patuloy na humaharap ang bansa sa tumitinding banta sa cybersecurity kasabay ng umano’y tuloy-tuloy na cyberattacks mula sa China.

Sa isang forum ng Stratbase ADR Institute, sinabi ni Joey Fontiveros, pinuno ng Cyber Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na may naitalang malware intrusions, distributed denial-of-service o DOS attacks, data leakage, at compromised websites na iniuugnay sa China, sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon sa opisyal, mas nagiging komplikado ang cybersecurity landscape ng bansa dahil sa geopolitical tensions, mabilis na digital transformation, at mga state-sponsored actors. May natukoy na ring mga tangkang pagpasok sa intelligence data ng bansa, bagaman wala pang kumpirmadong malalaking breach. Kabilang sa mga bulnerable ang mga kritikal na imprastraktura tulad ng healthcare, transportasyon, at power grids.

Binigyang-diin ng AFP na itinuturing na bahagi ng pambansang seguridad ang cybersecurity dahil sa pag-asa ng depensa at ekonomiya sa information system. Aniya, kinakailangang maging mas maagap ang depensa sa pamamagitan ng paggamit ng AI-powered detection at mas pinaigting na pakikipagtulungan sa ibang bansa.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Michael Logico, commander ng Philippine Army Training Command, na may mga estratehiya ang bansa upang harapin ang tinawag niyang asymmetric warfare, kabilang ang pagpapalakas ng sariling kakayahan sa depensa at paggamit ng iba’t ibang instrumento ng pambansang kapangyarihan.

Idinagdag ni Fontiveros na ipinatutupad ng pamahalaan ang National Cybersecurity Plan na nakatuon sa mas mahusay na threat assessment, capacity building, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga ahensya. Aktibo rin ang Pilipinas sa pakikipag-ugnayan sa mga kaalyado para sa intelligence sharing, pagsasanay, at pagpapalitan ng teknolohiya.

Ayon sa AFP, kabilang ang cyber defense sa pangunahing prayoridad ng modernisasyon ng militar sa ilalim ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept, na kumikilala sa cyber threats bilang kasingbigat ng mga pisikal na banta sa makabagong digmaan.