CAUAYAN CITY – Naging matagumpay ang isinagawang Pilot Face to Face classes sa limang paaralan sa Lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division superintendent ng SDO Cauayan, sinabi niya na dahil sa matagumpay na paglulunsad ng face to face classes sa limang paaralan sa Lunsod ay binuksan pa ng SDO Cauayan ang ilang karagdagang paaralan para sa isasagawang simulation bilang paghahanda sa tuluyang pagbabalik ng face to face classes .
Sa ilalim ng face to face classes ay limitado ang bilang ng mga mag-aaral na lalahok o papasok sa ilang piling paaralan sa bawat grade level bilang assessment para sa kahandaan ng SDO sa normal na pagbubukas ng klase.
Kung sakaling makikitang handa na ang mga paaralan sa tuluyang pagpapatupad ng Face to face Classes ay nagbaba na ng DepEd Central Office ng Memorandum number 85 para sa mungkahing paghahanda sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa para sa expansion ng pilot face to face classes.
Sa loob ng isang linggong pilot implementation sa Lunsod ay tuloy tuloy ang isinasagawang monitoring ng SDO Cauayan sa limang mga paaralan kung saan binuksan ang apat na silid aralan sa Villa Flor Elementary school, Casap Fuera Elementary School, Maligaya elementary School at sa Pinoma National High school kung saan tanging senior high school lamang ang binuksan na may dalawang silid aralan.
Random ang naging pagpili ng SDO sa mga mag-aaral at estudyanteng nakilahok sa face to face classes at naging limitado ito sa mga estudyanteng residente o malapit lamang sa paaralan.
Nahati hati ang grupo ng mga mag-aaral na binubuo ng labing limang estudyante ang papasok para sa face to face classes sa mga araw ng araw ng Lunes, Martes, Huwebes at Biyernes habang inilaan ang araw ng Miyerkules na disinfection day.
Batay sa kanilang monitoring handang handa na ang Lunsod ng Cauayan para sa expansion ng face to face classes basta tiyaking masunod ang health protocals at may koordinasyon sa Lokal na pamahalaan.
Bilang bahagi pa rin ng paghahanda para sa posibleng pagbubukas o pagbabalik normal ng klase sa lunsod ay patuloy ang vaccination rolloout para sa mga guro.
Sa kasalukuyan ay nasa siyamnapu’t limang bahagdan na ng mga guro sa SDO Cauayan City ang bakunado na kontra COVID-19.
Ang ilang guro ay pinaghahandaan na rin ang ilang pagbabago sa kanilang basic education learning Continuity plan para sa pagbabago ng set up ng blended learning.
Sakaling dumating pa ang karagdagang bilang ng mga bakuna para sa mga mag-aaral sa edad na labing dalawa pababa ay bukas ang SDO Cauayan na mapabakunahan ang mga mag-aaral Kontra COVID-19 19 para sa kanilang kaligtasan.











