
CAUAYAN CITY– Muling ilulunsad ng Department Of Science and Technology (DOST) ang kanilang pilot implementation ng libreng sakay program gamit ang hybrid electric road train sa Poblacion area ng Cauayan City..
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela DOST Provincial Director Lucio Calimag, sinabi niya na 2017 nang unang ipakita sa publiko ang kauna-unahang hybrid electric road train sa Cauayan City.
Aniya naging inisyatibo ni City Mayor Bernard Dy na gamitin ang electric road train sa pagkakaloob ng libreng sakay sa mga residente ng lunsod.
Nilinaw ni Provincial Director Calimag na bagamat libre ang pagsakay sa hybrid electric road train ay hindi nito maapektuhan ang regular na kita ng mga namamasadang tricycle dahil dadaanan lamang nito ang National Road mula barangay Cabaruan, Cauayan City Airport at ISU Cauayan City sa barangay San Fermin bago bumalik sa Central Terminal.
7:00am-8:00am at 5:00pm-7:00pm ang operasyon ng hybrid electric train sa Cauayan City.
sa ngayon ay wala pang ipinapalabas na schedule o pick-up points ang LGU kung saan maaring maghintay ang mga mananakay.
Layunin ng DOST Isabela sa Pilot Implementation ng Libreng Sakay na makatulong ang hybrid electric road train na maibsan ang problema sa masikip na daloy ng trapiko at upang makatipid sa konsumo ng diesel habang nagkakaloob ng libreng sakay para sa mga nangangailangan.
Ang hybrid electric road train ay may limang bagon kung saan, ang isa ay nakalaan para sa driver at makina habang ang nalalabing apat na bagon ay may kakayahang magsakay ng mahigit 200 pasahero.
Maliban sa Cauayan City ay pinag-aaralan na rin ng DOST ang paglulunsad ng hybrid electric road train sa Ilagan City
Sa katunayan ay nakatakda nang lumagda ng Memorandum of Agreement (MOA) ang Pamahalaang Lunsod ng Ilagan at DOST Isabela para sa pilot implementation ng proyekto na una nang naantala dahil sa nagdaang halalan.




