--Ads--

Itinuturing ng pinakahuling successful blood donor ng Bombo Radyo Cauayan na isang panata ang pagdo-donate ng dugo sa programa ng Bombo Radyo.

Sa kabuuan, 255 ang matagumpay na nakapag-donate ng dugo, kung saan ilan sa mga ito ay regular o taun-taong boluntaryong nakikibahagi sa Dugong Bombo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Haze Cayapan, ang pinakahuling successful blood donor at residente ng Angadanan, Isabela, sinabi niyang sinikap niyang humabol sa Dugong Bombo at nakarating siya bandang 3:20 ng hapon.

Ayon sa kanya, galing pa siya sa trabaho at pinilit niyang makapunta sa Cauayan dahil naging panata na niya ang pagdo-donate ng dugo mula nang mangailangan ang kanyang asawa.

--Ads--

Dagdag pa niya, naranasan nilang mahirapang maghanap ng dugo nang mangailangan ang kanyang asawa ng apat na bag ng dugo, at may nagpayong mas magiging madali ang paghingi ng dugo kung siya mismo ay donor. Dahil dito, nagsimula siyang sumali sa Dugong Bombo.

Pahayag pa ni Cayapan, sumasama ang kanyang pakiramdam kapag hindi siya nakapagdo-donate sa Bombo, kaya’t nang makita niyang nag-aayos na ng gamit ang Red Cross, dali-dali niya itong hinabol at laking tuwa niya nang makapag-donate pa siya.