opisyal na kinilala ng Guinness World Records ang isang Maltese chocolatier matapos nitong likhain ang pinakamahabang chocolate sculpture sa buong mundo. Ang naturang sculpture ay isang lumang modelo ng tren na may habang 55.27 meters (higit pa sa haba ng isang Olympic swimming pool).
Ang obrang ito, na gawa sa purong Belgian chocolate, ay binubuo ng isang locomotive at 22 carriages. Bawat carriage ay tumitimbang ng aabot sa 160 kilos. Ibinida ang nasabing obra sa Milan sa pangunguna ng lumikha nitong si Andrew Farrugia, isang senior lecturer ng culinary arts sa Institute of Tourism Studies (ITS) sa Malta.
Hindi ito ang unang world record ni Farrugia. Taong 2012 nang gawin niya ang 34.05-metrong tsokolateng tren sa Brussels, at noong 2014 naman ay ginawa niya ang pinakamataas na chocolate sculpture sa pamamagitan ng 13.52-metrong replica ng Burj Khalifa sa Dubai
Para sa pinakabagong obra, inabot ng isang buong taon ang paghahanda at apat na buwang aktwal na produksyon. Ayon kay Farrugia, dumaan muna ito sa clay modeling bago buuin ang nasa 5,000 pirasong tsokolate na pawang manu-manong hiniwa (hand-cut), kabilang ang 180 gulong para sa carriages.
Ayon sa chocolatier, ang pinakamahirap na bahagi ng proyekto ay ang transportasyon mula Bergamo patungong Milan ng mga chocolate train. Kinailangan nilang balutin nang maingat ang bawat piraso gamit ang plastic film. Sa kabutihang palad, nakarating ang higanteng tsokolateng tren sa exhibit nang buo at walang anumang sira.





