--Ads--

Isang kilalang dog breeder sa India ang gumastos ng tumataginting na 500 million rupees (katumbas ng P325 million) para sa isang pambihirang breed ng aso na kombinasyon ng wolf at Caucasian Shepherd.

Ang aso na pinangalanang Cadabomb Okami ay pinalaki sa U.S. bago binili ni S. Satish, isang kilalang dog enthusiast mula Bengaluru at presidente ng Indian Dog Breeders Association.

May koleksyon siya ng mahigit 150 uri ng aso, kabilang ang ilan sa mga pinakamahirap hanapin sa mundo.

Ayon kay Satish, sulit ang napakalaking halaga ng kanyang bagong alaga dahil ito ay isang one of a kind. Sa edad na walong buwan pa lang, umabot na ito sa 75 kilo at may taas na 30 inches.

--Ads--

Dahil nag-iisa lamang sa mundo ang asong ito, marami ang nais makakita at makapagpa-picture kay Okami, kaya naman hindi ito basta-bastang alaga lang, isa rin itong negosyo.

Sa katunayan, dinala na ito ni Satish sa iba’t ibang high-profile events, kabilang ang mga premiere ng pelikula upang mabawi ang kanyang puhunan.

Hindi ito ang unang beses na bumili si Satish sa isang mamahaling aso. Noong nakaraang taon, bumili rin siya ng isang rare na Chow-Chow na may hawig daw sa isang red panda sa halagang $3.25 million (P180 million).

Sa kanyang pitong ektaryang estate, inaalagaan ni Satish ang kanyang mga aso at ipinakikita ang mga ito sa iba’t ibang events sa India.

Dahil sa malaking interes ng publiko, kumikita siya ng $3,000 hanggang $12,000 (P170,000 hanggang P680,000) sa bawat event.