CAUAYAN CITY – Naitala sa Isabela ang pinakamataas na temperatura sa buong bansa ngayong taon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan , sinabi ni Mr. Ramil Tuppil, chief meteorologist ng PAGASA-DOST sa Echague, Isabela na kahapon ay naitala ang 39.5 degree celcius na may heat index na umaabot sa 43 degrees celcius habang 39.7 degree celcius ang naranasan naman noong lamang Miyerkules.
Nahigitan ng Isabela ang Tuguegarao City na nakaranas ng 37.7 degree celcius.
Batay sa historical record, naitala rin sa Isabela ang pinakamataas na temperatura na 42.2 degree celcius noong Mayo 18, 1990.
Idinagdag pa ni Ginoong Tuppil na posible pang tumaas ang temperatura na maaaring maranasan hanggang sa susunod na buwan.
Dahil dito ay pinag-iingat ang mga mamamayan na umiwas na lumabas sa pagitan ng 10am hanggang 3pm para maiwasan ang heat stroke.