
CAUAYAN CITY – Nagdiriwang ngayon ang Filipino Community sa United Kingdom matapos ang pagtanggap ng Pinay nurse na si May Parson ng highest award for gallantry mula kay Queen Elizabeth II.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Atty. Girlie Gonito, human rights lawyer sa London at founder ng OFW-UK International Friendship Association na tumanggap si Parson ng George Cross, ang pinakamataas na award na ipinagkakaloob ng British government sa mga citizens na nakagawa ng kagitingan at kabayanihan.
Si Parson ang napililing magturok sa kauna-unahang clinical trial para sa COVID vaccines at ang kanyang tinurukan ay isang 70-anyos na babaeng British.
Maituturing na matapang si Parson dahil tinanggap niya ang kanyang trabaho sa kabila na maaring ikamatay ng kanyang tuturukan kapag hindi naging maayos ang pagtanggap ng katawan ng pasyente.
Dahil sa malakas ang loob at ginamit ang kanyang katalinuhan ay naging maayos ang kauna-unahang naturukan ng COVID-19 vaccines sa isinagawang clinical trial.
Sinabi ni Atty. Gonito na nakakatuwa at ipinagmamalaki ang Pinay nurse dahil sa 1.5 million National Health Service Workers sa buong England ay ang pinay nurse na si May Parson ang nabigyan ng Highest Award for heroism.
Aanyayahan naman nila si Parson upang mabigyan ng pagkilala dahil naiangat nito ang pagtingin ng mga Briton sa mga Filipino Nurse sa England.
Ito ay matapos na pitung taon na ang nakakaraan nang may Pilipinong nurse ang nakulong dahil sa pagkakamali ng kanyang pagtuturok sa pasyente.
Inanyayahan si Parson sa embahada ng Pilipinas upang bigyan ng pagkilala at nakatakda rin siyang parangalan.
Malaking tulong sa Pinay Nurse ang natanggap na pinakamataas na parangal dahil makakatulong ito para umangat ang kanyang pamumuhay.
Bukod sa nakatakdang tumaas ang kanyang posisyon sa pagamutan kung saan nagtatrabaho ay mabibigyan din siya ng lumpsum.
Maaari na ring may mga malalaking pharmaceutical companies ang nag-aalok kay Parson para maging endorser ng mga gamot at papatayuan din ng monumento sa pagamutan kung saan siya nagtatrabaho.










