Nahaharap ngayon sa dalawang taong suspensyon si Vanessa Sarno isa sa mga pinakaprominenteng atleta ng bansa sa larangan ng weightlifting, matapos ang paglabag sa anti-doping rules, ayon sa opisyal na pahayag ng International Testing Agency (ITA).
Ayon sa ITA, si Sarno ay nakapagtala ng tatlong “whereabouts failures” sa loob ng 12-buwang panahon isang seryosong paglabag sa regulasyon ng International Weightlifting Federation at World Anti-Doping Code.
Hindi na kinuwestiyon ni Sarno ang parusa at tinanggap ang mga kahihinatnan ng kanyang pagkukulang.
Ang suspensyon ay epektibo mula Agosto 4, 2025 hanggang Agosto 3, 2027. Dahil dito, hindi siya makakasali sa 2025 Southeast Asian Games sa Thailand si Sarno ngayong Disyembre.
Bukod pa rito, kinansela rin ang lahat ng kanyang individual competitive results mula Enero 1, 2025 hanggang sa simula ng suspensyon kasama ang mga medalya, puntos, at premyo.
Ang “whereabouts rule” ay bahagi ng mahigpit na patakaran sa mga atleta na kabilang sa Registered Testing Pool (RTP). Obligado silang magbigay ng araw-araw na lokasyon at isang 60-minutong time slot kung kailan sila dapat ma-test. Ang hindi pagsunod dito ay itinuturing na anti-doping rule violation.
Si Sarno ay lumahok sa 2024 Paris Olympics sa women’s 71kg category ngunit hindi nagtagumpay. Sa kabila nito, siya ay kilala sa kanyang mga tagumpay na kampaniya sa SEA Games.
Nagwagi siya ng ginto noong 2021 sa Vietnam at 2023 sa Cambodia at sa 2020 Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan.







