Muling pamumunuan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang Senate Blue Ribbon Committee, ilang linggo matapos siyang magbitiw sa naturang puwesto sa gitna ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control.
Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ngayong Martes ang pagbabalik ni Lacson bilang tagapangulo ng makapangyarihang komite.
Matatandaang nagbitiw si Lacson noong Oktubre 6 bilang chairperson ng Blue Ribbon Committee dahil sa umano’y kawalan ng suporta ng ilang senador sa direksyon ng imbestigasyon kaugnay ng mga substandard at ghost flood control projects.
Matapos ang kanyang pagbibitiw, pansamantalang hinirang si Senador Erwin Tulfo, na vice chairperson ng komite, bilang acting chairperson.
Noong Lunes, sinabi ni Lacson na kung siya’y babalik sa pamumuno ng komite, dapat ay handa si SP Sotto sa mga posibleng epekto nito kabilang na ang posibilidad ng pag-alis ng ilang miyembro ng majority bloc at ang pangambang maapektuhan ang puwesto ni Sotto bilang Senate President.
Samantala, nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano kay Lacson na huwag idamay ang minorya sa umano’y sigalot sa loob ng majority bloc.
Kung matatandaan ang Senate Blue Ribbon Committee ang siyang nangangasiwa sa pag-imbestiga ng mga kaso ng katiwalian, kapabayaan, at pag-abuso sa tungkulin ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno, kasama na ang mga ahensya, sangay, at iba pang yunit ng Pamahalaan.







