Ililipat sa Italy sa Miyerkules ng hapon ang 16-anyos na Pilipinong si Kean Kaizer Talingdan, na nasugatan sa sunog sa isang ski resort town sa Switzerland, upang sumailalim sa karagdagang gamutan.
Ayon sa kanyang ina na si Kristal Talingdan, aalis si Kean mula Zurich sakay ng helicopter, matapos bigyan ng clearance ng kanyang medical team. Dadalhin siya sa Ospedale Niguarda sa Milan, isang ospital na may special burn center.
Si Kean ay naka-confine sa isang ospital sa Zurich matapos masugatan sa sunog na sumiklab sa Crans-Montana, Switzerland, noong bisperas ng Bagong Taon.
Isasabay din sa paglipat ang isa niyang kaklase na nasugatan sa parehong insidente. Kasalukuyang ginagamot sa Ospedale Niguarda ang siyam pang biktima ng sunog sa Le Constellation bar.
Dahil sa tindi ng tinamong mga pinsala, tatlong araw pa ang lumipas bago tuluyang makumpirma ang pagkakakilanlan ni Kean sa pamamagitan ng DNA testing.
Nagpasalamat naman si Kristal Talingdan sa Pamahalaan ng Italy, na aniya’y tumulong at nag-ayos ng lahat ng requirements para sa paglipat at gamutan ng kanyang anak.
Bagama’t nananatiling seryoso ang kondisyon ng binatilyo, pinayagan ng mga doktor sa Zurich ang kanyang paglipat sa Milan upang makatanggap ng mas espesyal at masinsinang pangangalaga. Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang kanyang kalagayan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog na kumitil at sumugat sa maraming katao sa nasabing resort town.











