--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot sa 22.8 million pesos ang iniwang pinsala sa agrikultura sa Cauayan City ng naranasang pagbaha kamakailan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Agriculturist Constante Baroga, sinabi niya na karamihan sa mga napinsala sa lunsod ay mga pananim na mais na malapit sa ilog.

Marami ang hindi na  mapakinabangan dahil sa pagkakababad nang  matagal sa tubig-baha.

Marami ring mais at palay ang dumapa  at natabunan ng putik.

--Ads--

Batay sa Damage Assesment Report ng City Agriculture Office,  umabot sa 2,016 hectares ng mais sa lungsod ang hindi na mapapakinabangan habang 2,403 hectares ang may posibilidad pang mabuhay.

Maliban sa mais ay 190 hectares din ng palayan at 20 hectares ng gulayan ang napinsala bunsod ng nagdaang pagbaha sa Lungsod ng Cauayan.

Sa kabuuan ay umabot sa 2,469 ang mga magsasaka na naapektuhan sa Cauayan City.

Maliban  sa agrikultura ay nagsasagawa ng damage assesment ang City Engineering Office sa mga napinsalang imprastraktura habang ang Cauayan City Social Welfare and Development Office sa mga napinsalang bahay.

Batay sa inisyal na talaan ng Cauayan City Engineering Office ay umabot na 30 million pesos ang  napinsala sa imprastraktura.

Karamihan sa mga ito ay mga approach ng tulay at ilang daan na nalagyan ng graba.

Matatandaang una nang inirekomenda ni Mayor Bernard Dy sa Sangguniang Panlungsod na magpasa ng resolusyon na nagdedeklara sa state of calamity sa Cauayan City dahil sa malaking pinsalang dulot ng pagbaha.

Dahil dito ay nagsagawa ngayong hapon ng special session ang Sangguniang Panlunsod para tugunan ang rekomendasyon ni Mayor Dy.