--Ads--

Iniulat ng Department of Health (DOH) na 235 kaso ng pinsalang dulot ng paputok ang naitala mula Disyembre 21, 2025 hanggang Enero 1, 2026, mas mababa 42% kumpara sa 403 kaso noong nakaraang taon.

Sa bilang na ito, 62 kaso ang nangyari sa mismong Araw ng Bagong Taon, karamihan ay 19 taong gulang pababa. Pinayuhan ng DOH ang mga biktima na magpatingin agad sa doktor upang maiwasan ang tetanus, na maaaring lumitaw ang sintomas hanggang 21 araw matapos ang pinsala.

Sa Maynila, naitala ang 106 insidente, pitong malubha ngunit walang nasawi. Samantala, sa Matalam, North Cotabato, 22 katao ang nasugatan matapos hagisan ng granada ang New Year celebration; patuloy ang manhunt sa dalawang suspek.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), mas maraming Pilipino ang gumamit ng torotot at iba pang ligtas na alternatibo sa paputok, kaya bumaba ang bilang ng sunog at pinsala. Naitala lamang ang 27 sunog na may kaugnayan sa paputok. Binanggit din ng BFP na ilan sa pangunahing sanhi ng sunog ay electrical overload, substandard Christmas lights, at pagluluto para sa Media Noche.

--Ads--

Patuloy ang kampanya ng BFP na “Oplan Paalala: Iwas Paputok” upang hikayatin ang publiko na gumamit ng ligtas na alternatibo at sundin ang tamang mga hakbang sa kaligtasan.