Isiniwalat ni Senate Pro Tempore Panfilo Lacson na napatunayang peke ang pirma ng abogadong umano’y nag-notaryo sa affidavit ni Orly Guteza na isinumite sa Senate Blue Ribbon Committee.
Si Guteza ang “surprise witness” na iniharap ni Senador Rodante Marcoleta noong Setyembre 25 sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa maanomalyang flood control project.
Ayon kay Lacson, mismong executive judge ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang nagpatunay na hindi si Atty. Petchie Rose Espera ang lumagda sa sinumpaang salaysay ni Guteza.
Gayunman, iginiit ng senador na nananatiling balido ang testimonya ni Guteza dahil ito ay kanyang sinumpaan sa harap mismo ng komite.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Guteza na dating siyang security consultant ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at personal umanong naghatid ng maletang may pera kina Co at dating House Speaker Martin Romualdez, na kapwa pinabulaanan ng dalawa.
Muli namang ipasu-subpoena si Guteza sa pamamagitan ng tanggapan ni Marcoleta para mabusisi ang kanyang kredibilidad.











